Maulan na pag-alala sa bisperas ng ikalawang taong anibersaryo ng masaker sa Ampatuan

First posted: Nov 23 2011
by Darius Galang
http://pinoyweekly.org/new/2011/11/maulan-na-pag-alala-sa-bisperas-ng-ikalawang-taong-anibersaryo-ng-masaker-sa-ampatuan/

Maulan na umaga at tila nakiisa ang panahon sa bisperas ng araw sa paggunita ng mga naging biktima ng naituring nang pinaka-karumaldumal na atake sa hanay ng mga mamamamahayag at sibilyan sa panahon ng eleksiyon, dalawang taon na ang nakalipas.

Tila nakikiluksa ang kalangitan kasama ang militanteng mga grupo at mamamahayag nang tunguhin nila ang Mendiola, mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Pawang mga itim ang kasuotan, bitbit ang mga panawagang maikulong ang maysala at mabigyang hustisya ang karumal-dumal na pagkamatay ng 58 katao sa Ampatuan, Maguindanao.

Tatlumpu’t walo rito ay mula sa hanay ng mga mamamahayag.

Nagtali rin sila ng itim na mga laso sa kahabaan ng España habang nagmamartsa patungo sa paanan ng Mendiola. Pinangunahan ang martsa College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP), na nag programa sa Mendiola.

Samantala, nagtipon din ang mga mamamahayag at aktibista sa pangunguna ng Burgos Media Center na nagtipon sa Morayta Ave., Manila at nag-eksibit ng mga larawan ng masaker.

Itinuloy ang programa bandang alas-singko ng hapon sa Boy Scouts Circle sa Timog. Kabilang sa mga dumalo ang Karapatan, Desaparecidos, CEGP, at ilang potograpo at mamamahayag sa mainstream media. Dito sila nagtirik ng kandila hindi lamang sa biktima ng masaker sa Ampatuan, kundi pati na rin para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

“Bukod sa mga mamamahayag, nagsindi kami ng kandila para sa mga biktima na pinaslang sa ilalimng gobyernong Aquino, patunay na patuloy ang impunidad hanggang sa araw na ito,” bangit ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, isang alyansang nagsusulong ng hustisya para sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Sa tala ng Karapatan, 60 na ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon mula Hulyo 2010, kasama ang brodkaster na si si Gerry Ortega. Kasama rin dito ang apat pang mamamahayag na nadokumento ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP.

Ang Ampatuan Massacre naman ay kabilang sa 1,206 na naitalang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa ilalim ng pamamahala ni Gloria Macapagal-Arroyo. “Ang mga maysala sa mga krimen na ito ay hindi dapat hayaang hindi maparusahan,” saad ni Cristina Palabay, tagapulong ng End Impunity Alliance.

Dugtong rin ni Palabay na kailangang gumawa ng agarang aksiyon ang kasalukuyang pamahalaan laban kina Arroyo maging kay Andal Ampatuan Sr.

“Habang ikinalulugod amin ang pagbibigay ng arrest warrants kina Arroyo a Ampatuan, giit namin na kasuhan sila ng grave human rights violations na isinagawa nila habang sila ay nanunungkulan.”

Bahagi ang mga programa ngayong araw sa paghahanda ngayong Nob. 23, ang ikalawang anibersaryo ng masaker sa Ampatuan.

Paggunita sa mga biktima ng impunity sa bansa. (Darius Galang)


Piket ng mga mamamahayag pangkampus ng CEGP para igunita ang masaker sa Ampatuan, na tinaguriang isa sa pinakamatinding atake sa karapatan sa pamamahayag sa bansa. (Monica Camille Galang)


Maguindanao Gob. Toto Mangudadatu, sa isang pagtitipon ng NUJP kontra sa impunity sa Quezon City noong Nob. 18. (Darius Galang)

Leave a Reply

toevs@mailxu.com