CEGP nanawagan ng pagkakaisa at makabayang diwa ng mamamayan

NEWS RELEASE
Marc Lino Abila
National Deputy Secretary General
College Editors Guild of the Philippines 

Umabot na sa 20 metro ang water level sa Marikina, 423 volume ng rainfall at may 51 na ang namatay sa iba’t-ibang parte ng Metro Manila at mga probinsyang kalapit nito ngunit kulang at huli ang pagtugon ng pamahalaang Aquino.

“Hindi naging maagap ang mga ahensya ng gobyerno ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino III at ng kanyang mga alyado sa dumating na sakuna sa ating bansa, malala na ang sitwasyon ng magsimulang magbigay ng tulong sa ating mga kababayan ang mga kagawaran ng pamahalaan,” pagbabahagi ni Marc Lino Abila, National Deputy Secretary General ng College Editors Guild of the Philippines ukol sa paghagupit ng ulan at paglikas sa ating mga kababayan.

Hinamon ni Abila ang gobyerno sa mas maagap na pagtugon sa pangangailangan ng materyal na suporta at pagliligtas sa mamamayang Pilipino sa mga sakuna. “Ngayon higit kailanman dapat magbayanihan tayong mga Pilipino, magtulungan tayo kung nananatiling tamad at walang pakialam ang pamahalaan,” dagdag ni Abila.

Itinuro naman ni Abila ang pagsasawalang bahala sa kalikasan at kapabayaan sa mga kalat ng labis na produksyon ang sanhi ng mga sakuna sa Pilipinas. “Hindi maayos ang programa ng ating gobyerno para sa kalikasan at mamamayan ang nagbabayad sa kapabayaang ito. Nagkukulang ng mga kagamitan para sa pagsagip sa mga mamamayan at wala pang sapat na debfriefing para sa mga biktima ng sakuna,” dagdag ni Abila.

“Kailangang magkaisa ng kabataan at mamamayan upang suungin ang pagsubok na ito sa ating bansa. Hindi kailangang sumandig sa gobyerno upang matugunan ang mga ganitong sakuna dahil kulang ang kanilang mga hakbang upang mailigtas sa kapahamakan ang ating mga kababayan,” paalala ni Abila sa mga kapwa kabataan.

Pasado 11:00 n.u. na dumating si Aquino III sa National Disaster Risk Reduction and Management Council samantalang kagabi pa ay binabaha na ang kalakhan ng Metro Manila. “Pagpapakita lamang ito ng kawalang sinseridad ng ating pamahalaan na isipin ang mga mamamayan. Panandaliang na naman ang pagtugon ng pamahalaan dahil wala pang naihahandang rehabilitation programs sa mag lugar na tinamaan ng malakas na ulan at pagbabaha,” pahayag ni Anna Patricia Santos, Vice President for Luzon ng CEGP.

“Nananawagan ang Pambansang Opisina ng CEGP sa lahat ng mga balangay nito na makiisa sa Tulong Kabataan Volunteer Network sa pangangalap ng mga donsayon at pag-aksyon para sa kaligtasan ng mas nakakaraming mamamayan,” pagtatapos ni Santos.

Ang Kabataan Party-list kaisa ang mga national youth organizations, konseho ng mag-aaral at CEGP ay naglulunsad ng Tulong Kabataan, isang kampanya ng pangangalap ng mga donasyon para sa mga biktima ng pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.

College Editors Guild of the Philippines

Website: www.cegp.org
Facebook: Cegp Pambansang Opisina
Twitter: @cegponline
Hotline Number: (02) 437.01.42

Leave a Reply

cookinghamrolf@mailxu.com