Ipinipintang Kasinungalingan

Bunsod ng pagdaluyong ng kabataan at estudyante sa lansangan nitong mga nakaraang taon, napilitan ang Malakanyang na magtago sa talinhaga ng pagdaragdag sa badyet ng mga pampublikong pamantasan at kolehiyo sa bansa. Ngunit hindi paloloko ang sektor ng kabataang pinatalas na ng kasaysayan, patuloy na titilad-tilarin ang kakarampot na pagtaas ng badyet at susuriin ang mga natatagong motibo ng gobyerno tungkol dito.

Bagaman may pagtaas sa badyet ng State Universities and Colleges (SUCs) ngayong taon, hindi maitatago ng administrasyong Aquino ang malaking kakulangan sa panukalang badyet. Mula sa 54.61 bilyon pisong pangangailangan ng SUCs sa buong bansa, kakarampot na 37.13 bilyong piso lamang ang inaprubahan ng Department of Budget Management (DBM) o mas mababa ng 17.5 bilyong piso.

Agad ipinamandila ni Benigno Simeon Cojuangco- Aquino III ang 44% na pagtaas sa badyet ng SUCs, o 37.12 bilyong piso mula sa 25.8 bilyon noong nakaraang taon. Kung susuriing mabuti, isinama sa naturang badyet ang Retirement and Life Insurance Premiums (RLIP) para sa mga nagretirong empleyado ng mga SUCs na nagkakahalaga ng 2.1 bilyong piso. Dapat ding ibawas din dito ang mahigit 2.2 bilyong piso na inilaan sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF), sa makatuwid mayroon lamang 32.7 bilyong piso na direktang mapakikinabangan ang 110 SUCs sa bansa para sa taong 2013 o 37% lamang na pagtaas ng badyet mula sa 23.8 bilyon noong nakaraang taon.

Sa ganitong iskema ng pagmamanipula sa numero, malinaw na tinatangkang lokohin ng pamahalaan ang taumbayan. Sa katunayan, sa P23.8 bilyong pondo para sa 2012, may P308.3 milyon pang hindi nailalabas ang Department of Budget Management (DBM). Para sa taong 2011, may P458 milyon pa sa P27.9 bilyong badyet ang hindi nailalabas. Kung gayon, maaaring ang pondo na hindi naipamahagi sa SUCs noong mga nakaraang taon ay inilagak sa pagpapatayo at pag-ayos ng mga gusaling binulok ng paghihintay sa karagdagang badyet mula sa pamahalaan.

Sa kabuuan, 67% lamang ng kinakailangang badyet ng SUCs ang inaprubahan ng DBM.

Laylayan ng Prayoridad ng Pangulo

Samantala, 27.33 bilyong piso ang inaprubahan para sa Personal Services na mapupunta sa pasahod ng mga kawani at administrasyon ng mga paaralan, malayo sa 31.149 bilyong pangangailangan ng SUCs. Samakatuwid, walang magagawa ang mga propesor at kawani kung hindi asahan ang huli at kulang-kulang na pasahod para sa susunod na taon.

Sa parehong sitwasyon, kapos rin ang aprubadong badyet para sa Maintenance and other operating expences (MOOE) na inilalaang pambayad kuryente, tubig at iba pa. Tanging 6.4 bilyon mula sa 8.5 bilyong pangangailangan ang inaprubahan ng DBM para sa taong 2013.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng mga tagapagtapyas ng badyet ang Capital Outlay, noong nakaraang taon, tanging 190 million lamang ang inilaan para rito, na mapupunta sa Unibersidad ng Pilipinas. Ngayong taon ay may 14.9 bilyong pisong pangangailangan ang mga SUC para maipaayos at magpagawa ng mga pasilidad. Ngunit 22.5% lamang ng panukalang badyet ang aprubado ng DBM, o 3.3 bilyong piso, kung tutuusin 11.593 bilyon parin ang kulang sa Capital Outlay para sa susunod na taon.

Mula sa 3.3 bilyon pisong pondo para sa Capital Outlay sa susunod na taon, 1.3 bilyon ang inilaan para sa UP, samakatuwid, paghahati-hatian ng natitirang 109 SUCs ang 2 bilyon para sa mga gastusin sa pagpapagawa at pagsasaayos ng kanilang pasilidad para sa taong 2013. Kataka-taka ring naglaan ng badyet para sa imprastraktura ang administrasyong Aquino kung kailan nalalapit na ang eleksyon, ganito rin ang ginawa sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, sa ganitong mga proyekto kadalasang nanggagaling ang salaping kinukurakot kung hindi man ni Noynoy ay ng mga kaalyado niya.

Kung kikilatising mabuti, hindi pa rin nakaligtas sa kaltasan ang iba’t ibang pamantasan at kolehiyo, dulot ng Normative Funding Formula (NFF), isang polisiyang ipinapatupad ng Ched na nagtutukoy ng pagtaas o pagkaltas sa badyet ng isang pamantasan. Iniaayon nito ang badyet ng isang institusyon sa performance nito. Kung susuriin, hindi ba’t ang dahilan ng pagbaba ng kalidad ng edukasyon ay ang mababang badyet na inilalaan ng estado para rito? Ngunit sa kabila nito, pagkaltas sa badyet ang nagging tugon ng pamahalaang Aquino.

Kabilang sa mga makakaltasan ang sumusunod na pamantasan:

SUC 2012 MOOE 2013 MOOE Percent change
Aurora State College of Technology 28,369,000          11,489,000 -59.50
Cebu Technological University (Cebu State College of Science and Technology) 209,457,000          93,421,000 -55.40
Adiong Memorial Polytechnic State College 3,085,000            1,468,000 -52.41

Source: Kabataan Party List

Sagad-sagarang katipiran

Kung tutuuusin, ang 37.1 bilyon pisong badyet na ibinigay sa SUCs ay 0.31% lamang ng Gross Domestic Product (GDP) ng ating bansa. Samantala, ang pinagsamang badyet ng SUCs at Department of Education (DepEd) na 275.9 Billion ay katumbas lamang ng 2.3%  ng ating GDP, malayong malayo sa 6% na rekomendado ng United Nations (UN.) Pinatutunayan lamang nito na nasa dulo ng laylayan ng prayoridad ng pangulo ang edukasyon.

Ang 2.3% GDP na inilaan sa edukasyon ay malayo sa 16% GDP na inilaan ng administrasyon sa pambayad ng utang panlabas. Sa kabila ng ganitong kalagayan, malakas pa ang loob ng pamahalaang magpautang ng isang bilyong dolyar sa International Monetary Fund (IMF).

Ayon sa Congressional Policy and Budget Research Department, isa ang Pilipinas sa mga bansang naglalaan ng pinakamababang badyet sa pampublikong pamantasan at kolehiyo. Naglalaan lamang ang pamahalaan ng $625 sa isang estudyante sa loob ng isang taon, malayo sa $11,790 ng Malaysia, $2,728 ng China at $666 ng Indonesia.

Dagdag Pasakit

Sa kabila ng hikahos na pamumuhay ng sambayanang Pilipino, tumatanaw pa ang dagdag pasakit  na target ng DBM na kumita ng dagdag na 900 milyong piso ang mga SUC, mula 13.1 bilyong piso ngayong 2012, hanggang sa mahigit 14 bilyon sa 2013.

Nagtarget din ang DBM na dagdagan ang kita ng mga SUCs mula sa matrikula ng mga mag-aaral ng hanggang 500 milyong piso. Mula 6.26 bilyong piso noong 2012 patungong 6.76 bilyon, ito’y nangangahulugan ng walang habas na pagpapahirap sa mga iskolar ng bayan sa taong 2013.

Asahan din ang mga paparating na dagdag bayarin sa susunod na taon, ayon sa plano ng DBM, magkakaroon ng 200 milyon pisong increase. Kukunin ito sa iba’t ibang mga porma ng bayarin sa loob ng SUCs, mula sa 3 bilyong piso ngayong 2012, aabot ito ng 3.2 bilyong piso.

Tulak ng Pasistang Porma ng Edukasyon

Ayon sa 2007 Annual Poverty Indicators Survey (APIS), 65.8% ang dropout rate sa mga pamantasan at kolehiyo dulot ng kahirapan. Katumbas ito ng halos pito sa bawat sampung pumapasok sa kolehiyo na tumitigil sa pag-aaral dulot ng bigat ng mga bayarin.

Sa UP, ipinapatupad ang Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP), isang iskema ng pagbabayad ng matrikula ayon sa estado ng pamumuhay. Ngunit ito rin ang nagbunsod ng pagbaba ng mga estudyanteng nagtatamasa ng libreng edukasyon sa unibersidad, mula 20% noong 1991, bumagsak ang bilang ng mga iskolar sa 1% noong 2010.

Mula sa 1000/unit na matrikula noong nakaraang taon, itinaas ng administrasyon ng UP patungong 1500/unit ang base tuition fee ng pamantasan. Umaabot sa mahigit tatlumpung libo ang kabuuang bayarin ng isang estudyanteng nag-aaral sa UP, hindi makatwiran para sa isang iskolar ng bayan na dapat tinutustusan ng gobyerno.

Aminadong Pasista

Sa balangkas ng badyet na inihapag ng DBM, 900 milyong piso ang inilaan sa Private Education Student Financial Assistance (PESFA) at Training for Work Scholarship Program (TWSP) na naglalayong tustusan ang 97,821 mag-aaral sa mga pribadong pamantasan, kung gayon, aminado ang administrasyong Aquino na sa sobrang mahal ng matrikula sa mga pribadong institusyon ay hindi na kayang makapag-aral ng mga estudyante.

Pipiliin lamang ang mga estudyanteng kumuha ng mga kursong lapat sa pandaigdigang merkado tulad ng Turismo, Business Process Outsourcing (BPO), Semiconductor and Electronics at Agri-Fisheries. Samakatuwid, hindi layong pagyamanin ng kasalukuyang rehimen ang sariling industriya, bagkus ay patuloy na magpakatuta sa ekonomiya ng mga kanluraning bansa, motibong mismo ay lumabas sa bibig ng pasistang presidente.

“Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito.” (Aquino, 2012 State of the Nation Address)

Isa sa mga priority bill sa kongreso ang Regional University System in Region 11 Bill, na naglalayong pagsama-samahin ang mga pampublikong unibersidad sa Davao, sa madaling salita, tutunawin ang mga pampublikong unibersidad upang mas makatipid sa gastusin ang pamahalaan. Isang malinaw na pag abandona sa sektor ng edukasyong lapat sa RPHER. Imbes na pagtuunan ng mas malaking pondo ang sektor ng edukasyon, mas pinaliliit pa ng pamahalaan ang bilang ng mga eskwelahan upang magbigay daan sa mga kapitalista edukador.

Sapat na ang inihapag na datos at lohika upang humantong tayo sa konklusyong ang hinihinging kapalit ng pangulo sa kakarampot, ‘di sapat at mapanlinlang na badyet ay ang patuloy na pagtalima sa neo-liberal na polisiyang ipinapatupad ng pamahalaan. Wala itong ibang tutunguhin kun’di ang komersalisasyon at pagsasapribado ng mga SUCs. Paborableng paborable ang inihapag na badyet upang mas umigting ang pagsasanay sa mga mag-aaral upang maging alipin sa ibang bansa.

Walang dapat asahan ang umiiral na administrasyon kundi ang paglaban ng kabataan. Asahan na sasalubungin ng iba’t ibang porma ng mobilisasyon ang pagdinig sa badyet sa kongreso, senado o maging sa dulo man ng pagpapatupad nito. Sama-samang kikilos ang kabataan upang igiit ang pambansa, siyentipiko at maka-masang edukasyon na tunay na magsisilbi sa samabayanan, at malao’t malayo, sa pamamagitan nito ay isisilang ang mga mulat na kabataang magtatag ng mapagpalayang lipunan.

pesta_178