Protesta ng kabataan, kumakalat sa Metro Manila

 

Hiwahiwalay na ipinutok ng mga estudyante sa iba’t ibang pamantasan at kolehiyo sa buong Metro Manila ang kanilang protesta laban sa lumalalang krisis sa edukasyon.

Ngayong araw (September 20 2012), ginanap sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) ang Campus Shutdown, kung saan sama-samang nagprotesta ang mga estudyante patungong mediola dala ang panawagang itigil ang pagpapaalis sa kanila sa ilan sa mga building ng kanilang kolehiyo, ipinarada ng mga mag-aaral ang isang kabaong na sumisimbolo sa pag-abandona ng estado sa sektpor ng edukasyon.

Kung susuriin, ang pagpapaalis sa kanila ay ibinunga lamang ng ilang taong hindi paglalaan ng pamahalaan ng pondo sa capital outlay, kung sakaling binigyang tuon ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga gusali, di sana’y hindi na kailangang magkulang pa ng silid aralan na nagbubunga ng sapilitang pagpapaalis sa mga estudyante.

Sa kabilang banda, pinalitan naman ng mga mag-aaral mula Polytechnic University of the Philippines ang pangalan ng kanilang paaralan sa kanilang main gate, tulong-tulong na iniladlad ng mga estudyante ang telang may nakasulat na “People’s University of the Philippines” na nangangahulugan ng isang pamantasang nagbibigay ng pambansa, siyentipiko at pang masang porma ng edukasyon sa kabataan.  Nagprotesta rin ang mga mag-aaral mula sa PUP college of nutrition and food science laban sa merging ng mga kolehiyo sa kanilang unibersidad. Ayon sa kanila, ang merging ay isang paraan  ng pagtitipid ng administrasyon na ibinunga ng kakarampot na pondong inilalaan ng rehimeng Aquino sa PUP.

Samantala, nagtipon naman ang ilang kabataan sa tapat ng University of Santo Tomas upang magkaroon ng programa bilang paggunita sa bisperas ng anibersaryo ng martial law, ilan sa mga dumalo ang mga kasapi ng Student Christian movement of the Philippines at mga estudyante ng UST. Sandaling naudlot ang kanilang programa nang sitahin sila ng guardiya ng UST.

Hinarang naman ng mga estudyante si CHED Chair. Patricia Licuanan sa University of the Philippines habang papasakay ito sa kaniyang sasakyan, hiling ng mga iskolar ng bayan  na pag-paliwanagin si Licuanan ukol sa walang puknat na pagtaas ng matrikula sa mga pampubliko at pribadong institusyon ng edukasyon.

Sa September 21, ika-40 anibersaryo ng martial law, magtitipon-tipon ang mga estudyante at iba’t ibang sektor sa UST at magmamartsa tungong mendiola upang ipanawagang itigil ang di makatwirang polisiya ng rehimeng Aquino sa edukasyon na patuloy na sumisikil sa karapatan ng kabataang makapag-aral. Bitbit din ng mga nagpoprotesta ang hinaing ukol sa lumalalang paglabag sa karapatang pantao na nagpapatuloy kahit ibinasura na ang batas militar sa bansa, pagpapatunay na walang pagbabago sa ilang rehimeng nagdaan matapos ang diktadurya.

 

 

Leave a Reply

pestafe@mailxu.com