Kabataan at mamamahayag, manatiling mapagmatyag sa cybercrime prevention law!

                Ang Temporary Restraining Order na inilabas ng Korte Suprema dulot ng pagtutol ng taong bayan sa Cybercrime Prevention Act (CPA) ay inisyal na tagumpay pa lamang, hindi pa tuluyang naibabasura ang CPA kaya’t ‘wag tayong pakakampante, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang panindigan ang batas na sumusupil sa kalayaan ng mamamayang magpahayag.

                Ayon sa pahayag  ni Leila De Lima, handa  diumano ang pamahalaan upang ipagtanggol ang legalidad ng CPA. Ipinakikita lamang ni De Lima na handang labagin ng pamahalaan kahit ang konstitusyon mabusalan lamang ang sambayanang nagpapahayag ng dismaya sa gobyernong Aquino. Imbis na paigtingin ang pagbibigay katarungan sa mga biktima ng Maguindanao Massacre at paghahanap ng mga notorious na mamatay-tao tulad nina Jovito Palparan, Joel T. Reyes at iba pang alagad ng Armed Forces of the Philippines na lumalabag sa karapatang pantao, inuna pa ng kalihim na pagtuunan ng pansin ang pagtatanggol sa amo niyang si Noynoy!

                Ipinahahalata lamang ng dilawang pamahalaan na epektibo ang ginagawang pagyanig ng netizens sa gobyerno, hindi magkandaugaga ang administrasyong Aquino sa pag-apula sa apoy na sila mismo ang nagsilab. Malaking sampal sa administrasyon ang TRO na inilabas ng korte suprema, sa kabila ng pagsusumikap ni Noynoy na palitan ang mga kawani ng pamahalaan upang ang lahat ng uupo sa gobyerno ay maging alyado niya, nanaig parin ang sama-samang tinig ng sambayanan, bigo ang plano ng rehimeng Aquino na pasunurin na lamang tayo sa mga polisiyang lapat lamang sa kanilang interes.

                Sa mga susunod pang mga araw, asahan na ng gobyernong Aquino ang patuloy na pagmumulat ng iba’t ibang organisasyon sa taong bayan ukol sa cybercrime prevention law, hindi patitinag ang kabataan, mamamahayag at netizens sa mga taktikang legal ng estado. Hindi natin hihingin ang kalayaan, dahil ang kalayaan ay ipinaglalaban!

 

 

stepaniakeustolia@mailxu.com