Pahayag ng CEGP-Palawan Hinggil sa Ikatlong Anibersaryo ng Ampatuan Masaker

Pahayag ng CEGP-Palawan Hinggil sa ikatlong anibersaryo ng Ampatuan Masaker

Pagpatay ang pinakamataas na antas ng pagpapatahimik.

Sa panahong mas marami pang atensyon ang nakatuon sa Gangnam at kay Amalayer, tila natatabunan na ng agiw ng pagkalimot –lalo na ng pamahalaang noo’y nangako ng pagbabago –ang tungkulin nitong maghatid ng katarungan para sa mga biktima ng mga eksekyusyong pulitikal, extrajudicial, at journalist killings.

Tatlong taon makalipas ang karumal-dumal na Ampatuan Massacre, nakasakay pa rin tayo sa usad-pagong na karo ng hustisya na tumatahak sa malubak na daang matuwid. Mula sa 196 na inaakusahang nasa likod ng pagpatay sa 58 biktima ng masaker, kung saan 32 ay mula sa hanay ng mga mamamahayag, wala pa rin ni isa ang napapatunayang nagkasala. Kaaway natin ang mga numero.

Hindi ligtas ang kritikal na masa at mamamahayag mula sa pambubusal gamit ang tingga gayong ang gatilyo ay nasa hintuturo ng mga makapangyarihan at nasa tungkuling nagpapakasasa sa “culture of impunity” o ang kultura ng kawalang pananagutan.

Tinubuan na nga talahib ang lupaing noo’y pinagbaunan ng mga biktima ng Ampatuan masaker –isang kabalintunaang animo’y sumasalamin sa pag-asa ng mga pamilya, kabaro, at kaibigan ng mga nasawi gayong nananatiling malamya ang kampanya ng Pamahalaan upang makapaghatid ng hustisya.

Ayon sa grupong KARAPATAN o ang Alliance for the Advancement of People’s Rights, aabot na sa 127 ang kaso ng extrajudicial killings at enforced disappearance mula nang umupo si Noynoy Aquino.

Inaasahang tataas pa ang estadistika gayong pinagpatuloy ng Pamahalaang Aquino ang patakarang kontra-insurhiyensya nito, ang Oplan Bantay-Laya na noo’y Oplan Bayanihan ng administrasyong Arroyo. Matatandaang kaakibat ng mga patakarang ito ang kabikabilang kaso ng human rights violations na nakatuon sa mga aktibista, progresibong mamamayan at kritiko ng gobyerno. Kagaya ng sinapit nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong Hunyo ng 2006 na dinukot ‘di umano ng mga Militar sa Bulacan sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Jovito Palparan na hanggang sa ngayon ay tinutugis ng mga kinauukulan.

Sa kahawig na senaryo, tila bungal ang batas laban sa kabikabilang pagpaslang sa mga mamamahayag nitong nakaraang tatlong taon gayong umakyat na sa 13 ang pinaslang sa ilalim ng panunungkulan ni PNoy –kasama na ang kaso ni Dr. Gerry Ortega. Malapalos na nalusutan ng magkapatid na Joel at Marjo Reyes (ang utak sa likod ng pagpaslang kay Ortega) ang mga otoridad at ngayon ay malayang gumagala sa labas ng bansa.

Kaya kaisa ng mga mamamahayag at masang Pilipinong tumatawag ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan, pagpaslang, at kultura ng kawalang pananagutan, ang College Editors Guild of the Philippines –Palawan ay nananawagan sa Pamahalaang Aquino na maging sensiro at umaksyon laban sa mga pagpaslang, pagdukot, at karahasang pantao.

DAKPIN ANG MGA LUMALABAG SA KARAPATANG PANTAO!

PABILISIN ANG USAD NG PAGLILITIS NG KASO SA MAGUINDANAO!

END IMPUNITY NOW!

http://www.facebook.com/notes/cegp-palawan/pahayag-ng-cegp-palawan-hinggil-sa-ikatlong-anibersaryo-ng-ampatuan-masaker/380695358679376

Ang CEGP-Palawan, Palawan Peace Corps., DAKILA-Palawan, LFS, Anakbayan-Palawan, Pioneer Publication, at PSU-MCS ay maglulunsad ng isang commemoration activity para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre kasabay ng International Day to End Impunity.

Leave a Reply

cookingham.ina@mailxu.com