CEGP-Bikol: Palayain ang Courage 2

PRESS RELEASE
December 21, 2012

REFERENCE:
Rica Pacardo, Secretary-General
College Editors Guild of the Philippines- Bikol
 

Kinokondena ng College Editors Guild of the Philippines- Bikol ang pagdukot kina Randy Vegas at Raul Camposano, dalawa sa mga aktibong organisador ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) noong ika-3 ng Disyembre sa taong ito.

Ang Courage ay isang samahang nagsusulong sa pagprotekta sa karapatan ng mga unyon ng mga kawani ng gobyerno. Si Randy Vegas, bago pa man maging organisador ng Courage noong 1998, ay tumayong Secretary-General ng CEGP. Si Camposano naman ay dating sheriff sa isang korte sa Makati bago ito umanib sa Courage.

Noong 3 Disyembre, magkahiwalay na dinukot ng di-nakilalang mga pulis at miyembro ng militar sina Vegas at Camposano sa Metro Manila at ipinatapon sa kulungan ng Daet, Camarines Norte kung saan sila ay inakusahan ng pinagpatung-patong na kaso ng pagpatay at pagnanakaw. Lantaran ding idinawit ang dalawa sa di-umano’y pag-ambush ng New People’s Army (NPA) sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa Maot, Labo, Camarines Norte noong ika-29 ng Abril.

Hindi umano nakaranas ng pisikal na pag-torture ang dalawa subalit sumailalim ang mga ito sa matinding mental torture. Paulit-ulit silang pinaratangang mga komunista at pilit na pinakanta kung sinu-sino pa ang kanilang mga kasamahan. Tinakot din silang gagalawin ang kanilang mga pamilya. Hanggang ngayon ay nakapiit pa rin sa kulungan sa San Isidro, Daet, Camarines Norte sina Vegas at Camposano.

Ang insidenteng ito ay nagpapatunay lamang na malaya ang estadong gawin ang lahat ng nais nila sa sino mang pinaghihinalaan nilang rebelde. Malinaw na hindi kinikilala ng estado ang karapatang pantao nina Vegas at Camposano at sampu pa ng political prisoners sa bansa. Hindi dumaan sa tamang proseso o paglitis ang kaso nina Vegas at Camposano. Bagkus, hinuli sila nang walang warrant of arrest at sinampahan ng mga kasong hindi dumaan sa tamang paglilitis.

Patuloy na ginagamit ng estado ang kamay na bakal nito sa mga inosenteng mamamayan. Noon pa man, taktika na nito ang paglikha ng iba’t ibang kaso upang maikulong ang mga kilalang organisador ng mga progresibong organisasyong tumutulong sa masa.

Ayon sa human rights group Karapatan, 239 na ang naging biktima ng ilegal na pag-aresto at pagkulong sa pamamalakad ng rehimeng Aquino. Ito ay ilan lang sa kabuuang 401 political prisoners sa buong bansa.

 

Palayain sina Randy Vegas at Raul Camposano!

Katarungan para sa mga bilanggong politikal!

longton.siobhan@mailxu.com rindalching@mailxu.com