Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, Kampuhan para sa Karapatan, inilunsad sa PUP

Disyembre 5 – Sinimulan na ang “Kampuhan para sa Karapatan” ng mga estudyante ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas(PUP) sa pangunguna ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) at ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan(SAMASA Alliance) bilang simbolikong paggunita sa Pandaigdigang araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10.

“Ang kampuhan (para sa karapatan) ay inilunsad upang ipaalam sa mga Iskolar ng Bayan ang kasalukuyang kondisyon ng karapatang pantao sa bansa at kung paanong ang Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino ay kumikitil sa mga batayang karapatang ito ng bawat sektor sa lipunan.” , pahayag ni Helen Alfonso, Student Regent, sa isang panayam.

Minarkahan ng isang programa sa Popeye ang pag-uumpisa ng isang linggong kampuhan kung saan nagbahagi ang iba’t-ibang tagapagsalita ng mga mensahe ng pagkundena sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Kasunod nito,itinayo ng mga campers ang mga tent sa loob ng camp area. Kasabay din nito ang street painting sa Popeye grounds na ang tema ay ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.

Ganap na alas -2 ng hapon, inilunsad din sa camp area ang “Know Your Rights”, isang forum na tumatalakay sa kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas at kalagayan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan at pagpapalalim sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao, desaparecidos, Oplan Bayanihan na kinakaharap ng bawat isa.

Pagkatapos nito ay ang pagsasabit ng mga itim na ribbon sa tinaguriang “Peace Tree”, isang sama-samang aktibidad upang kundenahin ang kawalang hustisya sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Sumunod ang pinakatampok na aktibidad, ang boat lantern kung saan nagpalutang ang iba’t ibang mga organisasyong pangmag-aaral ng mga bangkang parol sa PUP Lagoon. Nagkaroon din ng torch parade at film showing sa loob ng camp area. Bilang pagtatapos, naglunsad ng isang pangkultura at dulaang gabi ang mga lumahok. Tinampukan ito ng iba’t ibang mga pagtatanghal at tulang iniaalay para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa.

Magtatagal ang Camp-In hanggang sa ika-7 ng Disyembre.

pesta-rosalee@mailxu.com pacittoblossom@mailxu.com