Rehabilitation program ang kailangan ng Mindanao at hindi isang counter-insurgency program ng AFP at PNP -CEGP

Kasama ang ilang mga sektor  at mula sa hanay ng mga kabataan-Kabataan Partylist tagumpay na napasok at nadaos ang mobilisasyon sa loob ng DSWD bitbit ang mga panawagang ibigay ang mga karampatang donasyon para sa mga biktima ng Bagyong Pablo sa Mindanao.

Nito lamang Disyembre inulan ng hagupit ng Bagyong Pablo ang lugar ng Mindanao at tinatayang 1,400 ang naiulat na patay, 2,000 ang nawawala at humigit-kumulang dalawang milyon ang naapektuhan. Ngunit ang mga tulong at donasyon na siyang patuloy na hinahanap at hinihingi ng mga biktima ng Pablo ay patuloy pa rin inaamot mula sa administrasyon ni Aquino.

“Ang tanong kasi dito ay nasaan na nga ba yung inalaan na pondo ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng mga biktima ng Pablo, nasaan na yung 20% na diumano’y kinaltas sa mga empleyado at pulis, nasaan na yung mga donasyon mula sa mga ibang bansa?” saad ni Marc Lino Abila CEGP-National Deputy Secretary General.

Tinatayang 20% lang ng mga biktima ng Pablo ang naabutan ng tulong na mula pa sa sentro habang ang mga ilang karatig ay patuloy na naghihintay ng donasyon at rehabilitasyon.

Kamakailan lamang ay nagsaad si DSWD Secretary Dinky Soliman na maglalabas ang ahensiya ng 10,000 sako ng bigas na siya niyang ipinangako sa mga biktima ng Pablo matapos magtayo ng barikada ang mga tao at harangin sila upang manawagan na ilabas ang mga relief goods noong Enero 15.

“Rehabilitation program ang kailangan ng mga kasama natin sa Mindanao at hindi isang counter-insurgency program ng AFP at PNP para patuloy na maniktik at manikil ng mga tao sa Mindanaoat lalo rin na hindi isang photo ops para gamitin sa kanilang pangangampanya,”

“Itong 1.400 na ito ay hindi namatay bagkus sila ay pinatay ng rehimeng Aquino dahil kung tutuusin ay hindi magiging ganoon kalala ang epekto ng Bagyong Pablo kung hindi hinayaan ng gobyerno na maglabas-masok ang mga large-scale mining companies na ito sa loob ng ating bansa.”  dagdag ni Abila.

Basa sa naging pag-uusap mula sa ahensiya ng DSWD at ng ating grupo ay napagdesisyunan at isinaad ni DSWD Asst. Secretary Cabrera na bubuo sila ng isang komite upang mamahala para sa rehabilitation program ng mga biktima ng Pablo at mailabas ang 10,000 sako ng bigas.

“Tagumpay ang aksyon natin sa araw na ito pero  hindi lang sa bigas matatapos ang lahat. Sana maintindihan ng  gobyerno na hindi lang sa usapin ng bigas ang panawagan natin kung hindi ay tuluyang tanggalin yang mga militar sa rehabilitation program, ilabas ang 10,000 sacks of rice at patuloy na suportahan at tulungan ang mga kababayan natin roon sa Mindanao.” pagtatapos ni Abila. ###

 

nakaiharriette@mailxu.com crook_ching@mailxu.com