J4WGM, CEGP Central Luzon: “Hustisya para kay Willem Geertman at sa mga biktima ng Oplan Bayanihan!”

J4WGM

“It’s murder, not robbery with homicide!”

Ito ang sigaw ng Justice for Willem Geertman Movement (J4WGM) matapos ilabas ang resolusyon ng Office of the City Prosecutor sa San Fernando, Pampanga na ang kaso ni Geertman ay isa lamang simpleng pagnanakaw na may kasamang pagpatay (robbery with homicide). Taliwas ito sa naunang pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang nasabing kaso ay malinaw na isang execution at hindi simpleng robbery with homicide lamang.

Si Willem Geertman ay isang Dutch National na kilala bilang environmental advocate. Mariin niyang tinututulan ang proyektong Aurora Pacific Economic Zone (APECO) na banta sa pangkabuhayan ng mga taga-Aurora. Ayon sa J4WGM, naglingkod siya ng mahigit 40 taon sa mga magsasaka at pambansang minorya ng Aurora. Naging katuwang rin siya ng simbahan sa pagbubuo ng mga organisasyong magsasaka, kababaihan at katutubo.

Noong 2009, siya ay naging executive director ng Alay Bayan – Luson, Inc. (ABI), isang disaster response center sa San Fernando, Pampanga. Si Geertman ay walang-awang pinaslang noong ika-3 ng Hulyo ng nakaraang taon sa loob ng compound ng ABI. Ayon sa mga saksi, siya ay pwersahang pinaluhod, tinutukan at binaril ng malapitan sa likod. Tinangay rin ang kanyang bag na naglalaman ng pera (Php 1.2 M) na ini-withdraw sa bangko ng umaga ring iyon.

Kinilala ang mga suspek na sina Harold L. Dela Cruz at Marvin Marsan na mga di-umano’y intelligence operatives ng militar at mga gun-for-hire. Ayon pa sa binuong fact finding mission, hindi iyon ang unang beses na may umaligid na mga kaduda-dudang sasakyan sa opisina ng ABI. Tumanggap din umano si Geertman ng mga pagbabanta sa buhay at pagbabansag na komunista mula sa militar. Ayon naman kay Joseph Canlas, chairperson ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), malinaw na siya talaga ang pinupuntirya ng mga suspek dahil siya lang ang binaril gayong marami ang mga saksi.

Naninindigan ang J4WGM na ang pagpatay kay Geertman ay kaso ng extrajudicial killing (EJK). Ang proyektong APECO ay nasa pamumuno ng angkan ng mga Angara at may basbas ng Pangulong Aquino kaya naman mas tumindi ang kanilang paniniwalang may motibong pampulitika ang nasabing pagpaslang. Layunin ng grupo na iapela ang resolusyon na iakyat sa murder ang kaso. Ang kaso ni Geertman ay pang-13 na sa kaso ng EJK sa dalawang taong administrasyon ni Pangulong Aquino.

Nakikiisa ang College Editors Guild of the Philippines Central Luzon sa panawagan ng J4WGM para sa katarungan sa walang-awang pagpaslang kay Geertman at pati na rin sa iba pang mga aktibistang naging biktima ng Oplan Bayanihan na hanggang sa ngayo’y pinagkakaitan pa rin ng hustisya. Ang pagpatay kay Geertman ay nagpapatunay lamang na wala pa ring pinagkaiba ang Oplan Bayanihan ng Administrasyong Aquino sa Oplan Bantay Laya ng nakaraang administrasyon – patuloy pa rin ito sa paglabag ng karapatang pantao at layunin lamang nitong supilin ang mga kumakalaban sa gubyerno. Panahon na para panagutin ang mga may kagagawan ng mga krimeng ito.

Leave a Reply

carnero.sung cabrera.cindi@mailxu.com