EDITORIAL: TATLONG TAON NANG NAGBUBULID NG ILUSYON SI AQUINO MULA NANG SIYA AY MALUKLOK

Tatlong taon na ang nakalipas matapos ihalal ng taumbayan si Aquino. Patuloy ang pagtaas ng ekonomiya. Magandang credit ratings mula sa istatistiks ng iba’t-ibang grupo. Walang humpay na nagsulputan ang mga nagtatayugang gusali sa syudad. Ilan lamang ito sa mga sinasabing bunga ng kanyang panunungkulan. Ngunit sa kabila ng kanyang mabangong ulat ay nagtatago ang katotohanan, lantad ang kanyang pandaraya sa mamamayan.

Ginulat tayo ng mabilisang pagsasabatas ng Republic Act no. 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 na mas kilala bilang K-12 , desperado ang pamahalaan na punan ang malaking pangangailangan ng lakas-paggawa ng mga dayuhang korporasyon.

Ipinakilala ni Aquino sa publiko ang ‘Roadmap to higher education’ na nagbibigay ng sapat na kapangyarihan sa mga administrasyon ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad na umasa sa sarili at magbuo ng mga programa na kayang punan ang kanilang pangangailangan. Isa itong malinaw na manipestasyon ng pag-abandona ng estado sa kanyang tungkulin na magbigay ng libre at dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas. Kasama na dito ang patuloy at walang tigil na pagtaas ng presyo ng edukasyon matapos aprubahan ng CHEd ang petisyon ng 357 na pribadong kolehiyo at pamantasan na magtaas ng singil sa matrikula at iba pang bayarin.

Kasabay nito ay ang kabi-kabilang pagtataas ng mga bilihin at bayarin. Ngayong buwan ay nagtaas ng singil sa tubig at may panukala ring magtaas ng singil ang pamasahe sa LRT at MRT samantalang patuloy ang pagsirit ng presyo ng langis na dulot ng deregulasyon. Patunay na ang serbisyong panlipunan ay ginagawang negosyo ng administrasyon ni Aquino. Pinagkakait din ng administrasyon ang karapatan sa paninirahan sa sabay-sabay na demolisyong nagaganap sa mga settler sa lungsod.

Napag-iiwanan ng administrasyong Aquino ang matagal nang usapin sa repormang agraryo. Makikita na ang simpatiya ni Aquino ay nasa hanay ng kaniyang mga kaalyado matapos nitong magpanukala na i-extend ang pagpapatupad sa Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER).Habanghinaharang ng mga kaalyado ni Aquino ang pag-usad ng Genuine Agrarian Reform Bill sa Kongreso.

Samantala, upang pigilin ang paglaban ng mamamayan, patuloy ang pagpapatupad ni Aquino ng Oplan Bayanihan sa kabila ng pagkalantad ng mapanupil at marahas na katangian nito. Hindi natigil ang pamamaslang sa mga kritiko ni Aquino maging sa hanay ng mga mamamahayag. Umiiral ang kultura ng kawalang katarungan at matindi ang manipestasyon nito hanggang sa loob ng mga kampus. Nakapagtala ang CEGP ng mahigit sa 250 na paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag pangkampus mula noong Abril hanggang sa kasalukuyan na mula pa lamang sa 200 na publikasyon.

Ilusyon ang pagbabago sa ilalim ni Aquino. Walang naging tunay na pag-unlad kaya’t dapat nang basagin ng mamamayan ang pantasya ng pag-unlad na ipinamamandila ng administrasyon. Ramdam na ng mamamayan ang pagsahol ng kalagayan ng ating bansa sa pagkawala ng kabuhayan at pagkakait sa mga serbisyong panlipunan.

Manipis na hibla ang naghihiwalay sa gutom at paglaban. At sa panahon ng pandarahas – anumang oras – ay maaari itong mapigtas.

PANAHON NA NG PAGKILOS AT MULING PAGLIKHA NG KASAYSAYAN, HINDI NG PAGTITIMPI ATPANANAHIMIK.

LUMAHOK SA PAGKILOS SA HULYO 22, SA GANAP NA 11:00 NG UMAGA SA TANDANG SORA AVENUE.

IPAKITA ANG TUNAY NA KALAGAYAN NG ATING BAYAN SA SONA NG MAMAMAYAN.

HINDI SAPAT ANG PAGSULAT NG KASAYSAYAN, LUMAHOK SA PAGBABAGO NITO.

Leave a Reply

miao_84@mailxu.com