Mula ‘Pilipinas’ tungong ‘Filipinas’

Jian Carlo Ramos Gomez
University of the Philippines-Diliman

Ayon sa aking propesor sa Kasaysayan 116 (Philipine Nationalism) hindi signipikante ang pagpapalit ng pangalan ng bansa, kung may matibay itong basehan at ganap itong mag-aambag sa ating pagkabansa. Kung gayon, mag-aambag ba sa ating pagkabansa ang panukala ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario at ng Kawanihan ng Wikang Filipino (KWF) na palitan ang pangalan ng Pilipinas patungong ‘Filipinas’?

Naging maingay itong diskurso sa mga social networking site sa kung ano ba talaga ang dapat gamitin, kung dapat nga bang palitan at kung may batayan  ba ang mga nagpapanukala na palitan, at ang mga tumutunggali na huwag itong palitan. Matigas ang argumento at paninindigan ng KWF (kasama si Almario bilang siya ang kasalukuyang tagapangulo ng kawanihan) na gawin itong Filipinas: ang kanilang basehan ay kailangan itong gawing letrang ‘F’ bilang pagpapalaganap ng (1)“modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pagkabansa nito” (2) kinikilala sa ating alpabeto ang letrang “F”(3) ito diumano ang ibinigay na pangalan sa ating bansa ni Miguel Lopez De Villalobos (4) at ng tuluyang makalaya sa pangalang kolonyal na ibinigay ng mga Amerikano.

Tinawag ang ating bansa na Las Islas Filipinas bilang pagkilala sa noo’y hari ng Espanya na si Haring Felipe II. Nakalaan ang pangalang Pilipino sa mga Espanyol na naninirahan sa bansa samantalang Indio sa mga taal na Pilipino. Samakatuwid, ang Filipinas ay ipinangalan sa isang bansa na hindi naman mga taal na Pilipino ang naninirahan kung hindi mga Espanyol na ipinanganak sa bansa. Binuhay lamang ni Andres Bonifacio ang pagtawag sa mga Pilipino bilang Pilipino matapos magsiklab ang katipunan at punitin nila ang sedula kasabay ng pagsigaw ng “Mabuhay ang Pilipinas!” Ito ang naging mitya na kilalanin ng mga Pilipino na sila ang mga tunay na Pilipino sa bansang Pilipinas.

Magkakaroon nga ba ng pambansang pagkakaisa kung sakaling maging Filipinas ang Pilipinas?

Mapupunta lamang  sa pagkakawatak-watak ang mga Filipino kung sakaling matuloy ang panukalang ‘Filipinas’.

Walang sapat na kakayahan ang argumentong palitan ang Pilipinas sa Filipinas sa pag-agapay sa modernong sibilisasyon. Ang paggamit ng letrang F sa Pilipinas ay matibay na batayan at hakbangin katumbas ng kawalang pagsulong,  atrasado at  may malaking pananagutan sa pagkatuto at pagkalito ng mga Pilipino. Hindi nito tuluyang pinalalaya ang ating bayan sa kolonyalismo ng Espanya (kung tunay ngang gustong tanggalin ni Almario ang pagkakapuwing ng mga Pilipino sa Kalinangang Kolonyalismo) bagkus binabansot ang ating pagkabansa at patuloy nitong sinusuportahan ang unti-unting pag-iral ng mga neoliberal na polisiya ng pamahalaan. Ang pagbabalik ng pangalang Filipinas ay maituturing na pagtangkilik sa kolonyalismo ng Espanya.

Ang kapangyarihang kumontrol ay nagdidikta sa lipunan at patuloy na pinapatanggap sa nakakarami ay tiyak na pumapaloob sa social role o subject of position. Ito ang mismong ginagawa ng KWF, pilit na ipinapasok sa isipan ng mga Pilipino na dapat at napapanahon ng gamitin ang Filipinas sa pagka’t ito ang tama. Pinapakita lamang ng kawanihan ang totalidad ng pag-iral at patuloy na pagkontrol na nasusunod ang ideya ng mga naghaharing-uri. Kung magkagayon, anuman ang sabihin ng isang grupo ay nagiging ‘tama’ dahil nagkakaroon ng pagtatakda ng pamantayan ng moralidad, ito  ay nagmula sa mga may kapangyarihan. Kaya kung sabihin na Filipinas ang tama, lantarang minamasima ng kawanihan ang kanilang awtoridad sa pagsusulong ng makahating pangalan ng bansa.

Sa puntong ito, nagiging maka-uri ang panukala ng KWF. Walang nangyaring pagsisiyasat sa malawak na hanay ng mamamayan na dapat sila ang unang nakikisangkot. Inilayo ng kawanihan ang isyu sa mga Pilipino at naglabas na lamang ng resolusyon ukol sa unti-unting paggamit ng Filipinas. Sa kasalukuyan, nagiging tunggalian na lamang ito ng mga intelekwal (mula sa hanay ng mga historyador, lingwistika atbp.).

Malaki ang magiging epekto ng pagpapalit ng  pangalan ng bansa sa paghugis ng ating kamalayan at kalinangan. Higit na magiging maayos kung susuriing mabuti ng KWF kung napapanahon at angkop sa konkretong kalagayan ng lipunan ang pagpapalit ng pangalan ng ating bansa. Taal ang ating dila sa paggamit ng Pilipinas. Ang Wika ay hindi kumpleto sa sinumang tagapagsalita, umiiral lamang ito sa loob ng isang kolektibo (Saussure,1915). Kung magkagayon, pinapatunayan lamang ng Theory of Signs na nagsisinungaling si Almario dahil matagal ng umiiral sa kolektibo ng mga Pilipino ang paggamit ng Pilipinas at pinagbigkis ang ating kalinangan gamit ang salitang Pilipinas.

Hindi ang pagpapalit ng pangalan ng bansa ang solusyon kung gusto nating mapalaya sa kolonyal na kalinangan ang ating bayan kung hindi naman ito tuwirang mag-aambag sa ating pagkabansa. ###

wildman@mailxu.com holthaus_rafael@mailxu.com