Kabataang manunulat nagmartsa para sa katarungan

Larawan0202“Isang malaking inhustisya ang kapabayaan ng administrasyong Aquino sa mamamayan. Sa kabila ng sunud-sunod na sakuna na nararanasan ng sambayanang Pilipino, pinalalala pa ang paghihirap ng taumbayan sa kabi-kabilang pagtataas ng mga presyo kabilang na ng kuryente, langis, pamasahe at iba pa,” pahayag ni Marc Lino Abila, Pambansang Pangkalahatang Kalihim ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).

Kasama ng iba pang mga progresibong grupo ng kabataan, nagmartsa ang mga kasaping publikasyon ng CEGP patungong Mendiola upang ipanawagan ang hustisya, pagbangon, at pagbabago, lalo na para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

“Matapos tayong hagupitin ng superbagyong Yolanda at matapos nating masaksihan ang kriminal na kapabayaan ng pamahalaang Aquino sa mga biktima ng kalamidad, patuloy na ipanagkakanulo ng pamahalaang Aquino ang mamamayan sa lalo pang kahirapan,” ayon kay Abila.

“Sabayan pa ng patuloy na pagtaas ng singil ng kuryente  at pagmamahal ng presyo ng langis at iba pang mga pangunahing bilihin, malulugmok pa lalo ang mamamayan sa lalo pang kahirapan at kagutuman,” ani Abila.

Paliwanag ni Abila na bagamat naglakip ang gobyerno ng umentong P15 sa cost of living ng mga manggagawa ay kulang pa rin ito upang matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipinong kumikita ng minimum na sahod, lalo na at sunod-sunod ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo.

Giit din ni Abila na ang ginagawang mga bunkhouses sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda ay isang porma ng korapsyon.

“Kitang-kita rin natin ang ginagawang korupsyon sa sinisimulang rehabilitasyon ng mga lalawigan ng Visayas. Napabalita na ang bunkhouses sa ginagawa sa Tacloban bilang pansamantalang tirahan ng mga biktima ng bagyo ay overpriced at substandard. Hindi makatarungan ang paggamit sa sakuna upang makapangurakot,” sabi ni Abila.

Ayon kay Abila, panawagan ng mga manunulat pangkampus ang hustisya sa sunod-sunod na krisis na pinagdaraanan ng mamamayan, lalo na pagkatapos ng kawalan ng katarungan sa mga biktima ng bagyo.

“Hindi natin hahayaan na patuloy na pagsamantalahan ang sambayanan sa gitna ng lahat ng krisis at sakunang dinaranas natin. Nananawagan kami ng katarungan at pagbabago para sa ikabubuti ng mamamayan. Mahalaga ang pagkilos ng kabataan at mamamayan upang ipahayag ang kanilang mga karapatan,” giit ni Abila.###

Leave a Reply

hemanes@mailxu.com