Edukasyong nararapat at sapat, edukasyon para sa lahat

944429_10152898018110514_293963113_n

Sa pagdulas ng mga ranko ng mga premyadong pamantasan sa bansa sa kakalabas na World Rankings, mapanuring pagbusisi’t pagkilatis sa kasalukuyang sistema ng edukasyon ang higit na kailangan. Sa pasulong na pang-unlad ng edukasyon sa Pilipinas, tila ginagarote at pinoposas  ang mga estudyante sa kaliwa’t kanang pagtaas ng singil ng matrikula at iba pang mga bayaring dagdag-perwisyo sa ating mga magulang na nagpapaalipin sa pagtatrabaho upang tustusan ang matrikula ng kanilang anak kada termino o semestre.

Sa isang iglap, kaakibat ng pagkarera ng presyo ng de-kalidad na edukasyon ang mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, kuryente, at tubig.

Nawiwindang na si Juan sa pag-ikot ng roleta ng kapalaran niya pagdating sa kanyang giyera kontra kamangmangan at paglisan sa pag-aaral.

Kung susuriin, nakahandusay ang mga hinaing ng mga kabataan sa ilalim ng ganid at sakim na gobyernong bulag at bingi na tunay na reyalidad. Balot ng piring ang kanilang mga mata sa mga suliraning nagbabagabag sa burukratang proseso ng pagsasaayos ng baluktot na sistema. Tikom at sarado ang bibig ng mga kabataan upang maihayag ang kanilang hinanakit at pagkadismaya sa mga mambabatas na nagiginhawaan sa pagmemeryenda ng kaban ng bayan.

Kakulangan sa mga paaralan at guro partikular na sa mga liblib na lalawigan ang isang sanhi ng pag-akyat ng drop-out rates sa bansa. Imbes na magsilbi sa sariling lupa, pangarap ng karamihan ng mga guro ang makahakot ng ginto’t salapi sa dayuhang bansa mabubungkal. Base sa halaga ng suweldong tinatanggap nila kada buwan, hindi sulit at makatuwiran ang pag-aalay ng dedikasyon at tiyaga ng mga guro upang ihulma at imulat ang mga kabataan hinggil sa mga isyung hinahaharap ng kanilang henerasyon. Kasalungat sa kanilang propesyon at kadalubhasaan, sila’y nagsisilbing mga caregiver o domestic worker ng mga pamilyang may kaya at sustentado sa buhay. pahabol pa rito, gutom at uhaw ang mga mag-aaral sa silid-aralan, libro at kagamitang makakatulong parunungin ang mga musmos na mag-aaral.

Talamak na rin ang paglaki ng bilang ng mga kabataang napipilitang lisanin ang ang buhay estudyante upang maghanapbuhay sa bukirin kaakibat ng kanilang mga hikaos na magulangn na hindi rin nakatunton ng elementarya o hayskul. Salat sa pangtustos sa baon at pagkain ang mga magsasaka kaya’t para sa kanila, mas mainam na maging katuwang sa sakahan ang kanilang mga anak sa murang edad pa lamang. Hindi lang pagkakataon sa pagtuklas ng kaalaman ang sinayang, pati rin ang kapaslitan nila’y inagaw bunsod ng kahirapan. Alinsunod dito, nakakahabag ang sitwasyon ng mga batang lumalangoy ng rumaragasang katubigan at nagtatahak ng matitirik na bundok upang makapasok sa klase.

Ngayong hinimay natin ang bawat butil ng suliranin sa edukasyon, hindi maipagkakailang nagkulang ang administrasyong Aquino sa paglutas ng lumalalang epidemya sa bulok na sistema ng edukasyon sa bansa. Bagkus na saklolohan ang lumulubog na barko, nanlulupagi ang mga tiwaling politiko sa mga serye ng trahedyang magdidikta sa pamumuno ni Aquino. Sa kapulungan ba ng administrasyon ng bawat unibersidad at kolehiyo, nararapat bang payagan ng mga mag-aaral ang hindi makatarungang pangongolekta ng mga miscellaneous at dubious fee na hindi nila batid kung saan mahahantong ang milyun-milyong kitang nagmumula rito?

Hinahamon ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), isang alyansang naglalayong ipaglagan ang karapatan ng mga kabataan at sunggaban ang mga patakaran ang proyektong lumalabag sa kanilang kapakanan, ang administrasyong Aquino na ihinto ang nakaambang pagtaas ng singil sa matrikula ng mga State Universities and Colleges (SUC) at mga pribadong pamantasan sa Metro Manila.

Ang kukurampot na porsyento ay isang matinding aray sa parte ng mga estudyante’t magulang na hindi katamtaman ang nalilikom araw-araw. Bakit ang mag-aaral pa ang magkikibit ng balikat ng ilang mga bayaring hindi importante at walang kinalaman sa kanilang kurso? Bakit hindi sinasangguni ang mga mag-aaral at magulang tungkol sa walang humpay na singil sa matrikula kung may dahilan at pruweba ang administrasyon ng pamantasan? Huwag sanang ipagpatuloy ng pamahalaan ang pagtuligsa’t pangangalbaryo ng mga estudyanteng nagsisikap upang makagradweyt at maiahon ang pamilyang lagpak sa kahirapan subalit umaasang masilayan nila ang tagumpay at progreso ng kanilang mga anak.

Naninindigan ang CEGP ang pagpapalawig ng scholarships para sa mga bantog at tanyag na estudyante sa larangan ng akademya at pampalakasan. Gayunpaman, kinakailangang mabigyan ng prayoridad ang pagsasaayos at pagpapatibay ng mga imprastraktura’t gusali sa mas mabilis at ligtas na paglalakbay. Sa pag-aalsa ng isa sa mga pinapabayaang sektor ng lipunan, sinusulong at nilulupig ng mga magigiting na kabataan ang kanilang hukbo sa mas patas na sistema ng edukasyon.

cookinghamlelia